Nanawagan ang Cauayan City Health Office sa publiko na palakasin ang kaalaman tungkol sa HIV upang mabawasan ang patuloy na stigma at diskriminasyon laban sa mga taong nabubuhay na may HIV, kasabay ng paggunita sa World AIDS Day tuwing unang araw ng Disyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Delia Gonzalvo, STI–HIV/AIDS Coordinator ng Cauayan City Health Office 1, sinabi niyang layunin ng paggunita sa World AIDS Day na alalahanin ang mga namatay dahil sa HIV-related illnesses at higit pang patibayin ang adbokasiya ng pamahalaang lokal sa prevention, treatment, at care para sa mga taong may HIV.
Ayon kay Gonzalvo, nananatiling mataas ang diskriminasyon laban sa mga taong may HIV dahil sa kakulangan ng sapat na kaalaman ng publiko, partikular sa wastong mode of transmission at sa mga maling paniniwala hinggil dito.
Binigyang-diin pa ng opisyal na may tatlong pangunahing paraan ng pag-iwas sa HIV at iba pang sexually transmitted infections.
Kabilang dito ang abstinence, pagiging tapat sa iisang sexual partner, at ang tama at tuloy-tuloy na paggamit ng condom para sa mga indibidwal na hindi kayang sundin ang unang dalawang pamamaraan.
Dagdag pa ni Gonzalvo, may available nang libreng gamutan para sa HIV sa lungsod sa pamamagitan ng antiretroviral therapy, habang may mga serbisyong pang-prevention din tulad ng pre-exposure prophylaxis (PrEP) na maaaring i-avail ng publiko sa mga health center ng Cauayan City matapos sumailalim sa tamang pagsusuri at counseling.
Hinimok ng City Health Office ang publiko na magtungo sa mga health center upang mag-inquire at magpakonsulta nang tama hinggil sa HIV prevention at treatment, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng lungsod laban sa pagkalat ng HIV at laban sa stigma sa mga taong nabubuhay na may HIV.











