CAUAYAN CITY- Isinagawa kahapon ang Provincial Immunization Summit 2025 sa Lungsod ng Cauayan, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs), stakeholders, at national government agencies.
Layunin ng summit na magsilbing strategic at dynamic platform upang pagsama-samahin ang mga personnel mula sa medical field, LGUs, at iba’t ibang sektor para talakayin at palakasin ang programa ng immunization sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Madonna Añabieza, immunization consultant, target ng programa na maabot ang 90% coverage sa pagbabakuna. Paliwanag niya, ang natitirang 10% ay binubuo ng mga batang hindi maaaring mabakunahan dahil sa iba’t ibang medical concerns.
Binigyang-diin ni Dr. Añabieza ang bisa ng bakuna sa pag-iwas sa sakit, at nanawagan na higit pang maimulat ang publiko sa kahalagahan nito. Isa sa mga halimbawa ay ang matagumpay na pagbabakuna kontra smallpox.
Batay sa tala noong 2024, pang-12 ang Pilipinas sa may pinakamaraming “zero-dose children” sa buong mundo—mga batang hindi pa nakakatanggap ng kahit isang bakuna. Bumaba na ito mula sa ika-limang pwesto noong 2021, patunay ng unti-unting pag-usad ng kampanya.
Kaugnay nito, inihayag ng National Immunization Program ang pakikiisa sa global immunization agenda na naglalayong mapababa pa ang bilang ng mga batang hindi nababakunahan.





