CAUAYAN CITY – Inihayag ni Mayor Bernard Dy sa kanyang State of the City Address (SOCA) ang malaking epekto sa Cauayan City ng African Swine Fever (ASF) COVID-19 pandemic at ng malawakang pagbaha na naranasan noong 2020.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Mayor Dy na lubhang naapektuhan ang socio-economic status ng lunsod at ng mga mamamayan.
Mula sa isang naitalang kaso ng COVID-19 sa Cauayan City noong Abril 2020 ay umabot na sa 595 ang kabuuang nagpositibo sa virus habang 14 na ang nasawi.
Ilang malalaking event tulad ng CAVRAA Meet, Cityhood Anniversary, Gawagaway-yan Festival at iba pa ang nakansela dahil sa lockdown na dulot ng pandemya.
Malaki rin ang epekto ng pandemya sa negosyo at bumaba ang collection ng pamahalaang lunsod sa real property taxes, business taxes na umabot lamang sa P233 million noong 2020 kumpara sa P255 million noong 2019.
Sa unang quarter ng 2020 ay nanalasa ang African Swine Fever (ASF) sa Isabela at kabilang ang Cauayan City sa mga labis na naapektuhan.
Dahil sa ASF ay tumaas ang presyo ng karne ng baboy matapos umabot sa 19,716 na baboy na may halagang 98 million ang isinailalim sa cullling at maraming hog raisers ang naapektuhan.
Sa gitna ng pandemya ay naranasan ang malawakang pagbaha sa Cauayan City na pinakamatindi sa nagdaang dalawang dekada.
Halos kalahati ng lunsod ang nalubog sa baha na nag-iwan ng pinsala na umabot sa 530 million pesos.
Umabot sa 8,588 na pamilya sa 34 na barangay ang naapektuhan at napinsala ang mga pananim at mga ari-arian.
Ayon kay Mayor Dy, nag-iwan ang mga naganap na kalamidad ng importanteng aral na kailangang bigyang halaga.
Aniya, dahil sa COVID-19 pandemic , ang bawat pamilya ay nagkaroon ng pagkakataong magsama-sama nang matagal sa loob ng bahay, naging maalaga ang lahat sa kalusugan at naging madasalin para sa kaligtasan ng pamilya.
Lumaganap din ang bayanihan, pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isa sa iba’t ibang paraan.
Samantala, inilatag ni Mayor Bernard Dy ang ilang malalaking proyekto na nakatakdang isakatuparan ngayong taon.
May alokasyong 65 million pesos para sa pagpapatayo ng bagong isolation facility upang magkaroon ng mas malawak at mas maayos na tutuluyan ng mga suspect cases para sa kanilang quarantine.
Naglaan din ang pamahalaang lunsod ng 50 Million pesos para sa inisyal na pagbili ng COVID-19 vaccine para sa 73,883 na eligible na benepisaryo.
Magpapatayo rin ang pamahalaang lunsod ng relocation housing sa tatlong barangay para sa mga pamilyang nakatira sa mababang lugar na madalas na naaapektuhan ng pagbaha.
Ilulunsad din ang Alay na Kalinga sa Pamilyang Cauayeño o AKAP Center na magsisilbing Main Operations Center bilang tulong sa mga pamilya na maaapektuhan ng kalamidad.
Itatayo rin ang Hall of Justice para sa judiciary department, motorpool, Core Urban Center at aasahan ding matatapos ngayong taon ang pagpapatayo ng kauna-unahang Isabela Convention Center na kayang makapag-accommodate ng 2,500 na tao.
Nagsimula na rin ang paggawa ng Sta. Luciana-San Pablo Gov. BGDY Bridge at susunod na ang Cabaruan-Mabantad Gov. FNDY Bridge upang malutas ang problema ng palaging pag-overflow ng Alicaocao bridge tuwing malakas ang ulan.
Ayon kay Mayor Bernard Dy, hindi naging madali ang nakaraang taon ngunit tiniyak niyang babangon muli ang Lungsod ng Cauayan.





