Humiling ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City sa Department of Agriculture (DA) na maglaan ng mga programa at tulong para sa mga farm laborer o mga manggagawang bukid sa lungsod.
Ayon kay Vice Mayor Benjie Dy III, kadalasan ay ang mga farm owners lamang ang nabibigyan ng suporta mula sa mga programang pang-agrikultura ng pamahalaan, habang napag-iiwanan ang mga farm workers na siyang tunay na nagsasagawa ng trabaho sa mga bukirin.
Dagdag pa niya na nananawagan sila ng agarang aksyon mula sa Department of Agriculture upang maisama ang mga farm laborer sa mga benepisyong ipinagkakaloob ng ahensya, tulad ng ayuda, farm inputs, at iba pang suportang teknikal.
Sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang inisyatibang ito bilang bahagi ng kanilang adbokasiya na paunlarin ang kabuhayan ng lahat ng nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura hindi lamang ang mga may-ari ng lupa.
Inaasahan ng LGU Cauayan na agad mapagbibigyan ang kanilang kahilingan upang matulungan ang mga farm workers sa lungsod at lalo pang mapaunlad ang agrikultura sa nasabing lugar.
Kaugnay nito, hiniling naman ni Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega na ipamahagi direkta sa mga farm workers ang mga kagamitang pangsaka tulad ng abono, binhi, at iba pang farm inputs, dahil sila ang aktwal na nagsasagawa ng pagtatanim at pangangalaga sa mga sakahan.











