--Ads--

Nagtapos ang delegasyon ng Cauayan City sa Batang Pinoy 2025 na ginanap sa General Santos City na may tatlong gold at apat na bronze medals.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ian Dalog, isa sa mga kasama sa delegasyon, sinabi niyang nakuha nina Jhoana Tiong at Jolina Bacog ang gold medal sa Under-14 Girls Doubles Soft Tennis.

Isa pang ginto at tansong medalya ang nasungkit ni Zac Zayco sa Archery 17-Under Compound Olympic Round at Compound Archery Qualifying Round under 17.

Matatandaang una nang nakuha ni Justin Africano ang kauna-unahang gold medal ng Cauayan City sa 50m Freestyle, matapos magtala ng record-breaking time na 25.2 seconds, na itinuturing ngayong bagong Batang Pinoy record.

--Ads--

Samantala, nakamit ni Mildred Tiong ang bronze medal sa 17-Under Girls Singles, habang kapwa nakakuha rin ng bronze sina Jhoana Tiong at Jolina Bacog sa Under-14 Girls Singles.

Ayon kay Ginoong Dalog, ang naranasan lamang nilang challenge sa paglahok sa Batang Pinoy sa General Santos City ay ang pabago-bagong panahon sa buong araw habang isinasagawa ang mga palaro.

Ilan sa mga palaro na nasa open grounds sa lungsod ay inilipat sa close door sa Saranggani dahil sa nararanasang pag-ulan.

Sa kabila nito ay naidaos naman lahat ng mga palaro at naging mapayapa ang event hanggang natapos.

Laking pasasalamat naman nila dahil sa magandang naipakita ng kanilang manlalaro sa Batang Pinoy 2025 dahil wala nang qualifying tournament na ginanap at talagang nagtagisan ng galing ang mga manlalaro ng bawat rehiyon at lungsod na lumahok.