--Ads--

CAUAYAN CITY – Nananatili pa rin sa red zone ang Cauayan City sa African Swine Fever (ASF) Classification.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Veterinary Officer Dr. Ronald Dalauidao, kanyang inihayag na na-comply na nila ang ilan sa requirements upang malift ang red zone classification ng Cauayan City at maging pink zone.

Isa sa mga requirement ay ang wala nang naitalang kaso ng ASF sa lunsod sa loob ng anim na buwan ngunit kung susuriin ay halos isang taon na ang nakakaraan noong maitala ang huling kaso ng ASF.

Naipatupad na rin nila ang Bantay ASF sa mga barangay na nangangahulugang kasama ang barangay sa pagbabantay ng ASF.

--Ads--

Mayroon ng sinanay na technician sa loob mismo ng barangay na  katuwang ng City Veterinary Office na magsasagawa ng monitoring sa mga baboy.

Naipasa na rin nila ang narrative report sa history ng ASF sa lunsod at ang panghuling requirement ay ang magiging resulta ng ASF test mula sa blood sample na kinuha sa mga sentinel piglets upang makita kung wala ng tinamaan ng naturang sakit.

Kapag walang tinamaan ng ASF sa mga sentinel pigs ay maari nang  maideklarang pink zone ang Cauayan City ngunit sa ngayon ay nananatiling red zone ASF classification.

Bagamat hindi ipinagbabawal ay hindi pa rin inirerekomenda ng City Veterinary Office ang pag-aalaga ng baboy dahil hindi pa 100% na siguradong ligtas ang mga baboy sa ASF kaya mas maiging antayin na lamang muna ang pink zone declaration.

Pero kung mayroon ng mga dating hog raisers na nagnanais na bumalik sa pag-aalaga ay magtungo sa kanilang tanggapan upang maturuan sila ng mga dapat gawin lalo na sa minimum bio-security measures.