tp thumbnail - _thumbnail
--Ads--

CAUAYAN CITY – Nananatiling pangatlo ang lungsod ng Cauayan sa may pinakaraming kaso ng teenage pregnancy sa ikalawang rehiyon.

Ito ay batay sa datos noong nakaraang taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Population Program Officer 2 Rouchel Pareja, sinabi niya na noong 2022 ay nasa 119 ang mga kabataang nagbuntis sa lunsod habang noong 2023 ay may 120.

Nananatili pa rin ang lunsod sa may pinakaraming kaso ng teenage pregnancy sa ikalawang rehiyon na may 0.89%.

--Ads--

Batay sa datos ng ahensya, labintatlong taong gulang ang pinakabatang nabuntis noong 2023 habang edad labing siyam naman ang pinakamatanda.

Ayon kay Pareja, madalas silang nagsasagawa ng symposium at binibisita nila ang mga barangay at paaralan upang pangaralan ang mga kabataan.

Nagkaroon na rin ng pagsasanay ang mga opisyal ng barangay upang maging katuwang ng Commission on Population and Development sa pagsasagawa ng house to house information drive.

Pinaalalahanan din nila ang mga kabataan na laging piliin ang pangarap at huwag itong ipagpalit sa sandaling kaligayahan.

Ngayong taon ay umaasa ang Commission on Population and Development na kung hindi man kayang lutasin ang teenage pregnancy sa lunsod ay mabawasan man lang ang mga kabataan na maagang nagbubuntis.