CAUAYAN CITY – Nahati na sa dalawang Administrasyon ang Cauayan City National High School o CCNHS main campus dahil magkakaroon na ng Principal ang junior high School at senior high school.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent Alfredo Gumaru Jr. ng Schools Division Officer o SDO Cauayan, sinabi niya na ngayong taon ay nahati na sa dalawang administrasyon ang naturang paaralan.
Kung dati ay iisang School Head lamang ang nakatalaga sa CCNHS, ngayon ay isa na ang principal ng Junior High school o mula grade 7 hanggang Grade 10 students at mayroon na ring Principal ang Senior High School o Grade 11 at Grade 12.
Dahil dito mas madali na para sa dalawang school head ang pamamahala sa paaralan na may halos tatlong libong mag-aaral. mayroon pang tatlong assistant school Principal para sa senior high school na tututok sa kahandaan ng paaralan.
Sa ngayon ay may kanya-kanya nang school plan o programa ang dalawang administrasyon at hiwalay na rin ang kanilang flag raising ceremony.
Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Secondary School Principal 4 John Mina ng Cauayan City Stand alone Senior high school, isang welcome development ang pagkakahati ng administrasyon ng paaralan.
Natutuwa rin siya na isa siya sa mga napiling hahawak sa Senior High school.
Mas matututukan na nila ang mga mag-aaral para tiyak na sila ay handa na kapag papasok na sila sa kolehiyo.
Sa ngayon ay may kabuuang bilang na 2,874 ang enrolled sa senior high school at nakitaan ng pagtaas ng bilang ng mga enrollees ang Grade 11.
Ayon kay Dr. Mina, 19 percent ang itinaas habang nasa isandaan naman ang transferee students sa Grade 12.
Ito na ang opisyal na datos sa kanilang learners Information System o LIS ngunit marami pang hindi na-encode mula sa raw data ng mga guro.
Nakikita nila na ito’y aabot sa 3,000 at magkakaroon ng 59 sections ng mga mag-aaral.