Naglabas ng babala ang Cauayan City Nutrition Office kaugnay sa mga naitatalang kaso ng heart attack tuwing panahon ng Pasko at Bagong Taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Nutritionist Mary Jane Yadao, sinabi niya na iniuugnay ang mga kasong ito sa labis at hindi kontroladong pagkain, partikular ang sobrang konsumo ng maalat, matatamis, at matatabang pagkain na nagdudulot ng biglaang pagtaas ng blood pressure at cholesterol.
Nakadaragdag din sa panganib ang kakulangan sa pahinga, kawalan ng ehersisyo, at bisyo tulad ng labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Aniya, sa mga aktibidad tuwing Kapaskuhan, wala pang naitatalang kaso ng food poisoning sa lungsod, subalit mas madalas na naitatala ang mga kaso ng heart attack dahil hindi nakokontrol ng ilan ang dami at uri ng kanilang kinakain sa mga handaan, lalo na ang sobrang maalat, matatamis, at matatabang pagkain.
Hinimok ng CNO ang publiko na maghinay-hinay sa pagkain, uminom ng sapat na tubig, mag-ehersisyo, at iwasan ang bisyo upang mapanatili ang maayos na kalusugan ng puso. Pinayuhan din ang publiko na agad magpatingin sa health center o ospital sakaling makaranas ng sintomas ng atake sa puso tulad ng pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga, pagkahilo, at pamamanhid ng braso.











