--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanindigan ang pamunuan ng Cauayan City Police Station na may  naganap na drug buybust operation sa isang hotel na ikinadakip ng tatlong tao na taliwas sa bersiyon ng mga pinaghihinalaan.

Ang mga pinaghihinalaan na nasa pangangalaga ngayon ng Cauayan City Police Station ay sina Danilo Guerrero, apatnaput lomang taong gulang, ang kanyang maybahay na si Jovie Guerrero, apatnapong taong gulang at si Ginang Velma Estrada, apatnaput walong taong gulang na pawang residente ng Brgy Marabulig 1, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station na nasampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga pinaghihinalaan.

Inihayag ni PLt. Topinio na mayroong suot na body camera ang mga otoridad nang maganap ang operasyon at mayroong nakuhang 0.6 grams ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia sa mga pinaghihinalaan.

--Ads--

Nanindigan si PLt. Topinio  na tatlo lamang ang kanilang inaresto at  wala silang nakitang isa pang babae na sinasabing gumagamit ng droga na nag-anyaya umano sa tatlong pinaghihinalaan at walang sinumang nakalabas habang isinasagawa ang kanilang operasyon.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na matagal nang nagbebenta ng illegal na droga ang tatlong pinaghihinalaan at inaalam na rin nila kung saan kinukuha ang mga ibinebentang droga.

Isinailalim sa drug test ang tatlong pinaghihinalaan at hinihintay pa ang resulta.

Ang bahagi ng pahayag ni PLt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station.