CAUAYAN CITY – Problema ngayon sa Cauayan City Stand Alone Senior High School ang kakulangan ng mga guro at pasilidad ngayong nalalapit na pagsisimula ng pasukan o school year.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Principal John Mina ng Senior High School Department, sinabi niya na sa unang araw ng enrollment ay umabot na sa 1,987 ang enrollees sa grade 11, marami kung ikukumpara noong nakaraang taon na higit 1,500 lamang ang kanilang estudyante sa grade 11.
Nangangamba aniya sila na umabot pa sa 2,500 ang kanilang magiging estudyante ng grade 11 dahil kulang na kulang sila sa mga pasilidad at guro.
Sa ngayon ay nasa 98 na guro lamang ang meron sa nasabing paaralan at 124 na guro ang kanilang kailangan para sa higit 70 na classroom.
Kulang din aniya ang mga guro na mag ha-handle ng mga subject.
Maging ang mga faculty room ay ginagawa na rin aniyang classroom ng mga estudyante kaya tiyak na maaapektohan din ang trabaho ng mga guro.
Samantala, dahil sa hindi inaasahang dami ng mga estudyante ay plano na nilang gawing dalawang shift o dalawang batch ang pasok upang hindi crowded sa paaralan at upang maging sapat ang mga pasilidad na gagamitin