Hinirang bilang Project WATCH Best School Implementer sa Secondary Level ang Cauayan City Stand Alone Senior High School (CCSA-SHS) ng SDO Cauayan, habang nakuha naman ng Hermosa Elementary School mula sa SDO Bataan ang kaparehong parangal para sa Elementary Level sa isinagawang National Project WATCH awarding ceremony sa F.L. Dy Coliseum.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang Schools Division Offices at rehiyon sa buong bansa.
Ayon kay Dr. John Mina, Secondary School Principal IV ng CCSA-SHS, naging susi sa pagkapanalo ang matibay na pakikipagtulungan ng mga stakeholders ng paaralan.
Ipinabatid niya na ang suporta ng komunidad ang nagbigay-daan upang maipatupad nang maayos ang iba’t ibang Project WATCH initiatives sa loob at labas ng paaralan.
Idinagdag din niya na umaasa siyang magsisilbing inspirasyon ang pagkilalang natanggap upang mas lalong maitaguyod sa mga mag-aaral ang mga pagpapahalagang nakapaloob sa Project WATCH, kabilang ang pagiging tapat, maagap at may disiplina.
Samantala, sa panig naman ng elementary category, inihayag ni Dr. Rosario Canlas, School Principal IV ng Hermosa Elementary School Mula SDO Bataan, na hindi tumigil ang kanilang paaralan sa pagsusulong ng Project WATCH kahit wala umanong kompetisyon.
Binanggit niyang naniniwala ang kanilang paaralan na ang patuloy na adbokasiya para sa time consciousness at honesty ay susi sa pagbuo ng positibong school culture at sa mas malawak na social transformation.
Binigyang-diin din niya na ang pagpapatuloy ng adbokasiya ay makatutulong sa pagpapatatag ng mabuting gawi sa paaralan at komunidad.
Ang Project WATCH o We Advocate Time Consciousness and Honesty ay isang pambansang programang naglalayong palakasin ang disiplina, pagiging responsable, at pagpapahalaga sa oras at katapatan sa mga mag-aaral.
Inaasahang magpapatuloy ang mas pinatibay na implementasyon nito sa iba’t ibang paaralan sa bansa matapos ang pagkilalang iginawad sa mga nangunang implementer ngayong taon.











