--Ads--

Naglunsad ang City Tourism Office ng Cauayan City ng isang aktibidad na tinawag na “EDUPINTA” bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Women’s Month.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Tourism Officer Maribel Dulin Eugenio ng Cauayan City, sinabi nito na isinagawa ang aktibidad mula March 3 hanggang March 7, kung saan araw-araw ay iba’t ibang sektor ng komunidad ang nakibahagi sa pagpipinta.

Noong March 3 ay lumahok ang mga miyembro ng Rural Improvement Club, sinundan ng mga kabataan noong March 4. Ngayong March 5 naman ay nakatakdang lumahok ang grupo ng mga solo parent, habang sa March 6 ay ang Sisiglo o mga kababaihang nasa bahay. Sa huling araw, March 7, makikibahagi naman ang mga miyembro ng LGBTQ+A community.

Nilinaw ni Ginang Eugenio na hindi ito isang kompetisyon kundi isang workshop na naglalayong maturuan at mahasa ang kakayahan ng mga kalahok sa pagpipinta. Aniya, ang kanilang mga likhang sining ay maaaring mailagay sa mga bag o damit na maaari ring maibenta.

--Ads--

Ayon pa sa opisyal, tinawag na “EDUPINTA” ang aktibidad dahil pinagsasama nito ang edukasyon at pagpipinta. Habang natututo ang mga kalahok ng tamang teknik, nabibigyan din sila ng pagkakataong matuklasan ang kanilang talento, lalo na ang mga dati nang hindi marunong magpinta.

Dagdag pa niya, nagsisilbi rin itong stress reliever at isang paraan upang higit na mapalakas at mabigyang kapangyarihan ang mga kababaihan sa komunidad.

Isasagawa ang awarding ceremony sa Sabado, Marso 7, kasabay ng huling araw ng naturang aktibidad.