--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng City Veterinary Office ang paratang ng ilang residente sa lunsod hinggil sa di umano’y dagdag-bawas sa listahan ng mga tatangap ng indemnity claim para sa mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.

Naipamahagi na sa animnaraan at tatlumput Isang hog raisers ang humigit kumulang 20.5 Million pesos na kabayaraan sa apat na libo at siyamnapu’t isang baboy na isinailalim sa culling noong kasagsagan ng ASF.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinarian ng Cauayan Ciy na impossible umano na mayroong mga pangalan ng mga residente sa listahan ng mga nabigyan ng tulong na wala namang inaalagaang baboy o walang baboy na isinailalim sa culling dahil well documented ang mga isinagawang culling.

Sa isinagawang culling sa mga baboy ay ginamitan ng GPS camera.

--Ads--

Ayon kay Dr. Dalauidao, bago isailalim sa Culling ang mga baboy ay una umanong kukunan ng litrato ang mga ito gamit ang GPS cam, dito makikita ang eksaktong lokasyon o ang kulungan ng na-cull na baboy at nagsasagawa rin ng verification ng pangrehiyong tanggapan ng Kagawaran ng Pagsasaka.

Nilinaw ni Dr, Dalauidao na tanging mabibigyan tulong ng pamahalaan ay ang mga magbababoy na boluntaryong isinuko ang kanilang baboy na kinuryente at ibinaon ng kanilang mga kawani.

Hindi umano kasama sa listahan ang mga baboy na namatay sa kanilang mga kulungan o bakuran dahil wala umanong batayan para sa pagbibigay ng tulong dahil hindi naman ipinasakamay ng mga magsasaka ang kanilang namatay na baboy sa pamahalaan.

Inasahan anya ng City Veterinary Office ang pagdagsa ng reklamo ng mga residente na naapektuhan ng ASF at naiintindihan nila ang hinaing ng mga ito ngunit kinakailangang sundin ang ibinababa na panuntunan ng National Government sa pagbibigay ng indemnity claims.

Ang bahagi ng pahayag Dr. Ronald Dalauidao.