--Ads--

Nakatakdang maglaan ang Lokal na Pamahalaan ng Cauayan ng posisyon o trabaho para sa mga dating konsehal at dating bise alkalde na nagsipagtapos sa kanilang panunungkulan.

Pinag-usapan ito sa committee hearing kasama ang mga konsehal, Legal Officer, City Administrator, Human Resource Management Officer, at City Accountant.

Ang naging pokus ng pagdinig ay ang Contract of Service para sa mga contractual employees ng lungsod, kabilang na ang pagbibigay ng posisyon sa tatlong dating konsehal at isang dating bise alkalde.

Matatandaan na natapos na ang termino bilang konsehal nina dating SP Member Garry Galutera, Edgardo “Egay” Atienza, at Edwin De Luna, gayundin si dating Vice Mayor Bong Dalin.

--Ads--

Sa kanyang pahayag, sinabi ni SP Rufino Arcega na dapat pag-aralan nang mabuti kung anong posisyon at trabaho ang nakalaan sa mga bagong contractual employees. Batay umano sa impormasyong ipinarating sa kanila, lahat ng nabanggit ay sa Mayor’s Office itatalaga.

Nilinaw niya na hindi siya tumututol sa pagbibigay ng trabaho sa dati niyang mga kasamahan. Aniya, masaya siya na mananatili pa rin silang bahagi ng pamahalaan, subalit mahalagang tiyakin na malinaw ang kanilang magiging tungkulin. Itinanong rin niya kung anong partikular na posisyon o trabaho ang nakalaan para sa apat na indibidwal.

Samantala, ipinaalam ni City Administrator Czarah Jane Dy na wala pang kompletong detalye mula kay Mayor Ceasar Jaycee Dy Jr. hinggil sa tungkulin ng apat na indibidwal. Kinumpirma niya na sa Mayor’s Office sila magtatrabaho, ngunit tanging ang alkalde lamang ang makakapagsabi ng kanilang eksaktong posisyon.

Dagdag pa niya, dahil matagal nang nagsilbi sa Sangguniang Panlungsod ang mga ito, tiyak aniya na malaki rin ang maiaambag nila para sa ikabubuti ng lungsod.