CAUAYAN CITY – Inaasahan na ng Cauayan City Police Station na magiging payapa ang takbo ng pangangampanya at eleksyon sa Lungsod ng Cauayan sa nalalapit na 2025 Midterm Elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Ernesto Nebalasca Jr., Hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na ngayong pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC) ay nakatutok na ang EOD/K9 para tiyakin araw araw na walang explosive device sa tanggapan ng COMELEC, maging ang PNP-SWAT aniya ay nakatutok din upang bantayan ang buong bisinidad ng COMELEC building.
Mayroon naman umanong PNP desk sa naturang tanggapan upang ma monitor at ma assist ang mga kakandidato.
Bagaman inaasahan aniya na hindi magiging madugo ang halalan ngayong 2025 election, kinakailangan pa rin umano nila na tutukan ito upang makatiyak lalo na magiging payapa ang lungsod ng Cauayan sa nasabing aktibidad.
Dagdag pa ni PLt. Col. Nebalasca, wala naman umanong pinapanigan ang mga kapulisan sa kahit sino mang kakandidato.