Pormal nang sinimulan ng mga Cauayeño ang pagdiriwang ng National Children’s Month 2025 kahapon sa F.L. Dy Coliseum.
Mahigit tatlumpung estudyante ang lumahok sa kick-off program, kung saan sila mismo ang nanguna sa ilang bahagi ng aktibidad bilang simbolo ng pagbibigay-diin sa kanilang karapatan at partisipasyon sa lipunan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Health Nutritionist Mary Jane Yadao, sinabi niyang siniguro ng kanilang tanggapan na magiging makabuluhan ang lahat ng aktibidad upang maipakita sa mga bata, kababaihan, at magulang ang kahalagahan ng pagkilala sa karapatan ng bawat batang Cauayeño.
Dagdag pa niya, nakatuon ang pagdiriwang ngayong taon sa apat na pangunahing karapatan ng mga bata, ang karapatang mabuhay, maprotektahan, umunlad, at makilahok.
Kabilang sa mga aktibidad ngayong buwan ang lecture tungkol sa Anti-OSAEC-CSAEM Law, ang “Gabay Magulang: Parenting for the Digital Age” para sa mga magulang ng preschoolers, Cyber Safety Caravan, at “Heart of the Digital Age” online art exhibit na naglalarawan ng mga panganib at wastong hakbang laban sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).
Isasagawa ang mga aktibidad sa iba’t ibang rehiyon ng lungsod simula ngayong araw at magtatapos sa Nobyembre 28. Ang unang serye ng mga gawain ay gaganapin sa Poblacion Region mula Nobyembre 3 hanggang 7, kasunod ang Forest Region at East Tabacal Region mula Nobyembre 10 hanggang 13. Sa Nobyembre 17 hanggang 21, isasagawa ang mga programa sa West Tabacal Region, at sa Nobyembre 24 hanggang 27 naman ay sa West Tanap Region. Ang closing program ay itinakda sa Nobyembre 28 sa F.L. Dy Coliseum.
Inanyayahan ni Yadao ang lahat ng magulang, mga paaralan, at organisasyon na makiisa sa mga gawain ngayong National Children’s Month 2025, lalo na’t layunin nitong kilalanin at pangalagaan ang karapatan ng bawat batang Cauayeño.











