
CAUAYAN CITY- Ipinagpaliban ng Department of Education (DepEd) region 2 ang pagdaraos ng Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) Meet na gaganapin sana sa Cauayan City sa Pebrero 22-26, 2020.
Ito ay alinsunod sa DepEd Memorandum 15 series of 2020 na nagpapaliban sa mga national at regional events gaya ng Palarong Pambansa at regional meet dahil sa banta ng Coronavirus (N-CoV).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Supt. Dr. Alfredo Gumaru ng Dep-Ed Cauayan City, sinabi niya na pinag-aaralan ang pagdaraos ng CAVRAA meet 2020 sa ikatlong linggo ng Marso o kapag humupa na ang banta ng N-Cov sa bansa.
Binigyang-diin niya na hindi mawawalan ng saysay ang mga paghahanda ng mga atleta at coaches dahil maaari nilang ipagpatuloy ang kanilang training sa kanilang mga paaralan kapag itinigil na ang in-house training.
Ayon kay Dr. Gumaru, bagamat patuloy ang mga aktibidad sa mga paaralan gaya ng flag raising ceremony at flag retreat ay inatasan nila ang kanilang mga health officials na mag-ikot sa mga paaralan upang magsagawa ng precautionary measures.
Pinayuhan niya ang mga mag-aaral na magsuot ng facemask kung sila ay inuubo at sinisipon gayundin ang pag-iwas sa maraming tao at pag-iwas sa pagsalubong sa mga kaanak na uuwi mula sa mga bansang apektado ng N-CoV.




