Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng isang “National Day of Prayer and Public Repentance” sa darating na Oktubre 7, kasabay ng pagdiriwang ng Feast of Our Lady of the Holy Rosary.
Sa isang liham na ipinadala sa mga diyosesis, hinikayat ni CBCP President Cardinal Pablo Virgilio David ang mga parokya, kapilya, paaralan, pamilya, at mga organisasyong simbahan na makiisa sa nasabing paggunita bilang tugon sa patuloy na suliranin ng bansa sa mga kalamidad at katiwalian.
Ani Cardinal David, sa diwa ng makapangyarihang panawagan ni Propeta Baruch (Bar 1:15–22), na isang panalangin ng pambansang pagkilala sa kasalanan at pagsisisi, at sa konteksto ng mga kalamidad na patuloy na dinaranas ng ating bayan, sila ay nananawagan ng isang Pambansang Araw ng Panalangin at Pampublikong Pagsisisi.
Bilang paghahanda, iminungkahi ng kardinal na simulan ang pagdarasal ng isang espesyal na panalangin mula Martes at tuwing Linggo hanggang sa Kapistahan ng Christ the King sa Nobyembre 23. Ang panalangin ay pinamagatang “National Cry for Mercy and Renewal.”
Sa panalangin, inihalintulad ang sambayanang Pilipino sa isang “naligaw na tupa na nahulog sa bangin,” na “kumakapit sa marupok na sanga at humihingi ng saklolo.” Hinihiling nito sa Diyos na dinggin ang tinig ng bayan “habang naglalakad sa lambak ng kadiliman.”
Ayon pa kay Cardinal David, bahagi rin ito ng synodal journey o paglalakbay ng Simbahan, isang sama-samang paglalakbay ng bayan ng Diyos, pakikinig sa Espiritu Santo at sa isa’t isa, na may kababaang-loob at pag-asa.








