Umaasa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magbunga ng tunay na pananagutan ang mga imbestigasyong isinasagawa kaugnay ng mga iskandalong kinasasangkutan ng mga proyektong pampubliko sa bansa.
Hiniling ng Simbahang Katolika na huwag mauwi sa wala ang mga pagdinig, kundi magkaroon ng konkretong resulta kabilang na ang pagkakakulong ng mga tiwaling opisyal, kahit magpalit pa ng administrasyon.
Ayon kay CBCP spokesperson Fr. Jerome Secillano, nararapat lamang na maparusahan at makulong ang mga sangkot sa katiwalian, at hindi sila dapat makalaya agad o makinabang sa pagpalit ng liderato sa gobyerno.
Binigyang-diin niya ang nangyari sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, kung saan isa lamang ang nakulong habang ang iba ay nakalalaya pa at nakatakbong muli sa puwesto, ang ilan pa nga ay nanalo.
Ipinahayag ni Fr. Secillano ang pag-asa ng CBCP na hindi na ito mauulit sa kasalukuyang flood control scandal.
Nanawagan din siya sa mga mamamayan na huwag manahimik sa gitna ng malawakang korapsyon. Ayon sa kanya, maraming paraan upang iparating ang galit at pagkadismaya, at dapat itong gawin upang hindi mabaon sa limot ang isyu.
Dagdag niya, mahalagang manatiling mapagmatyag ang publiko upang matiyak na mananagot ang mga may sala.











