Preparado na ang hanay ng CDRRMO Cauayan para sa pagdiriwang ng Pasko ngayong gabi sa lungsod.
Ito ang kinumpirma ng Cauayan City Command Center na siyang magmomonitor sa magiging galaw ng mga concerned agencies.
Ayon kay Team Leader Ethelbert Parayo ng Cauayan City Command Center, nasa blue alert status ngayong buong lungsod ng Cauayan.
Ibig sabihin, kabilang na ito sa heightened alert kung saan lahat ng kagamitan at mga personnel ay nakastandby sa posibleng ibibigay na mandato ng command center.
Ayon kay Parayo, bagaman may ilan na naka-day off, sakaling kailanganin ang kanilang tulong ay agad ipapatawag dahil sa nakataas na alert status.
Aniya, lahat din ng mga kagamitan ng Rescue 922 ay nakahanda na ngayon para sa posibleng deployment sakaling magkaroon ng insidente.
Maging ang mga sasakyan gaya ng mga rescue vehicle at ambulansiya ay nakakondisyon na rin at nalagyan na ng gasolina upang agad na makaresponde kung kakailanganin.
Nagpaalala rin ang kanilang hanay sa mga kababayan natin, lalo na ang mga mag-iinuman ngayong gabi, na huwag nang magmaneho pa kung nakainom na.
Tiniyak naman ng Command Center na nakabantay ang kanilang opisina sa lahat ng mga tawag ng mga kababayan nating mangangailangan ng tulong.











