CAUAYAN CITY – Blaster na nagsanay sa Mindanao at may mataas na posisyon sa New People’s Army o NPA ang naaresto na si Kevin Nilo Y Bulayo alyas Glen.
Nakumpiska sa bahay ni Nilo sa Jose Ancheta, Maddela, Quirino ang 43 Improvised Explosives Device o IED na pinaniniwalang gagamitin sa paghahasik ng terorismo laban sa puwersa ng pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Brig. General Perfecto Rimando, pinuno ng 5th Infantry Division Philippine Army na pinaniniwalang kabilang si Nilo sa mga sumalakay noong 2017 sa Maddela Police Station dahil kabilang sa anim na cellphone na nabawi sa kanya ang cellphone na ginagamit na hotline ng Maddela Police Station.
Sinabi ni Brig. General Rimando na bunga ng pagtutulungan ng pulisya at militar ang pagkadakip kay Bulayo at pagbibigay ng impormasyon ng ilang concerned citizen hinggil sa pag-iingat ng mga pampasabog ni Bulayo.




