Inamin ng City Environment and Natural Resources Office o CENRO Santiago na may kakulangan pa rin sa pagtugon sa mga problemang pangkapaligiran sa lungsod ng Santiago, kasabay ng patuloy na pagdiriwang ng National Environmental Awareness Month ngayong Nobyembre.
Sa naging Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mario De Guzman II, City Environment and Natural Resources Officer II, sinabi nito na kinikilala ng kanilang tanggapan ang ilang hindi pa natutugunang usapin sa kapaligiran at humihingi sila ng pang-unawa mula sa publiko.
Dagdag pa niya, nagpapasalamat ang pamahalaang panlungsod sa patuloy na kooperasyon ng mga mamamayan ngunit may mga pagkakataong hindi agad naisasagawa ang lahat ng kinakailangang aksiyon.
Binigyang-diin ni De Guzman na nagpapatuloy ang kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng mga programang naglalayong itaas ang kaalaman at partisipasyon ng komunidad para sa kalikasan.
Kaugnay nito, nagsasagawa ang LGU Santiago ng mga aktibidad para sa mga mag-aaral at barangay bilang bahagi ng naturang pagdiriwang.
Kabilang dito ang poster-making contest, infographic competition, quiz bee, at ang sampung araw na evaluation sa 37 barangay ng Santiago City para sa programang Gawad Kaisa Ka sa Kapaligiran.
Bukod pa rito, nakatakdang idaos ang culminating activity at awarding ceremony sa darating na ikasampu ng disyembre.
Kabilang sa iba pang aktibidad na isinagawa o nakatakdang isagawa ang trashion show at environmental pop dance competition, pati na ang mga naunang programa gaya ng recycling contest matapos ang pananalasa ng mga nagdaang bagyo.
VIA – BOMBO HAROLD APOLONIO











