--Ads--

CAUAYAN CITY- Ibinahagi ng isang artist mula sa Lalawigan ng Isabela ang kaniyang karanasan sa pagtuklas ng kaniyang angking talento sa Sining na nagbigay kulay sa kanilang buhay.

Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng National Arts Month ngayong buwan ng Pebrero.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Churls Ortizo, Charcoal Artist mula sa San Guillermo, Isabela, sinabi niya na nalinang niya ang kaniyang talento sa loob lamang maikling panahon.

Setyembre 2023 nang magsimulang gumuhit si Churls subalit tumagal lamang ang kaniyang hilig sa pagguhit hanggang Disyembre ng kaparehong taon dahil sa nawalan umano siya ng motibasyon na linangin ang kaniyang talento.

--Ads--

Bagama’t huminto siya sa pagguhit ay hindi pa rin nawala ang pagmamahal nito sa sining dahil bumalik siya sa pagguhit nito lamang Enero 2025 sa tulong na rin ng panghihikayat ng kaniyang kaibigan.

Dahil dito ay nahikayat siyang bumili ng mga kagamitan sa pagguhit at muling nagsanay.

Makalipas lamang ng isang buwan ay namangha na aniya siya sa laki ng kaniyang improvement dahil sa loob lamang ng maikling panahon ay nakakaguhit na siya ng mga realistic portrait.

Bagama’t nakakalikha na siya ng mga realistic portrait ay hindi pa umano siya tumanggap ng commision dahil baka hindi umano ito magustuhan ng kaniyang mga kliyente subalit pinagbibigyan naman niya ang kahilingan ng mga nagpapa-portrait sa kaniya ngunit hindi siya tumatanggap ng bayad.

Gayunpaman ay pinag-iisipan na umano niya sa ngayon ang pagtanggap ng commision dahil nagsimula na rin siyang lumahok sa mga art exhibit.

Si Churls ay kasalukuyang Grade 12 student ngunit hindi naman aniya nakakaapekto ang kaniyang pagguhit sa kaniyang pag-aaral dahil tuwing weekend lamang siya naglalaan ng panahon para linangin ang kaniyang talento.

Kaya umano niyang tapusin ang isang malaking portrait sa loob lamang ng isang araw.

Plano naman niyang kumuha ng kursong Fine Arts sa kolehiyo at pangarap niyang magtrabaho sa isang Museo na gumagawa at nagbebenta ng mga likhang-sining.

Pinayuhan din niya ang lahat pangunahin na ang mga nagnanais ding maging mahusay sa larangan ng Arts na ipagpatuloy lamang ang kanilang hilig kahit pa hindi sila kagalingan sa umpisa dahil ang hindi pagsuko sa mga bagay na hilig mong gawin ay siyang magiging tulay para maging mahusay sa larangang iyong pinili.