Nag-utos ang Regional Trial Court Branch 26 sa Sta. Cruz, Laguna ng pag-aresto kay Atong Ang at iba pang 17 indibidwal nitong Martes, Enero 13, kaugnay ng kasong kidnapping with homicide.
Kasama sa mga hinahanap ng korte bukod kay Ang ang mga sumusunod: Rogelio Teodoso Borican Jr., Jezrel Lazarte Mahilum, Mark Carlo Evangelista Zabala, Rodelo Antipuesto Anig-Ig, Emman Cayunda Falle, Julios Tagalog Gumolon, Ronquillo Pacot Anding, Ryan Jay Eliab Orapa, Aaron Ezrah Lagahit Cabillan, Mark Anthony Aguilo Manrique, Anderson Orozco Abary, Michael Jaictin Claveria, Edmon Hernandez Muñoz, Farvy Opalla Dela Cruz, Renan Lagrosa Fulgencio, Alfredo Uy Andes, at Joey Natanauan Encarnacion.
Noong Disyembre 9, natuklasan ng Department of Justice na may prima facie evidence laban kay Ang at 21 pang iba para sa 10 counts ng kidnapping with homicide, at may sapat ding basehan para kasuhan si Ang at 15 iba pa sa kidnapping at serious illegal detention.
Sa kabuuan, 26 criminal informations ang isusampa sa mga RTC sa Lipa City, Batangas, at sa Sta. Cruz at San Pablo, Laguna.
Ang mga kaso ay nagmula sa mga reklamo ng pamilya ng mga nawawalang sabungero noong Agosto 1, kaugnay ng pagkawala ng 34 sabungero mula 2021 hanggang 2022.











