CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng assessment ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya kaugnay sa mga inilatag na checkpoint para hindi makapasok sa lalawigan ang African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Carlos Padilla, sinabi niya na nagdulot ng pangamba sa kanilang nasasakupan ang natagpuang 13 patay na biik sa likuran ng Agricultural Terminal sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Sinabi niya na namatay ang mga biik matapos katayin ang inahin na nahirapang manganak at hindi ASF taliwas sa pahayag ng nag-post ng mga larawan sa social media.
Ayon kay Gov. Padilla, isinagawa ang pagpupulong ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan, LGU Bambang, Department of Agriculture (DA) at tinalakay ang maayos na pagmamando sa mga checkpoint kontra ASF sa Nueva Vizcaya na isa sa gateway patungo sa Isabela at Cagayan.
Kaugnay nito ay inatasan ang mga municipal agriculturist at livestock inspector na magtungo sa mga barangay sa lalawigan upang agad na malalaman sakaling may mga baboy na may kahina-hinalang sakit.
Samantala, kinumpirma rin ni Regional Executive Director Narciso Edillo na walang kinalaman sa ASF ang mga natagpuang patay na biik sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Director Edillo, sinabi niya na ang mga nakitang biik na namatay sa isang bakanteng lote sa nasabing lugar ay anak ng isang inahin na nahirapang manganak.
Aniya, namatay ang mga ito sa loob ng tiyan ng inahing baboy kaya minabuti ng may-ari na katayin na lamang ito dahil mamamatay din ang inahin kung hindi nila ito gagawin.
Ayon sa may-ari ng inahin, kinuha ang mga biik ng ilang kalalakihan para ipain sa bayawak ngunit nang sila ay nakainom na ay nakalimutan na nila itong kunin kaya itinambak na lamang sa bakanteng lote.