
CAUAYAN CITY – Nagbabala ang chairperson ng Commission on Higher Education (CHED) sa mga State Universities and Colleges (SUC’s) sa gitna ng isyu kaugnay sa coronavirus (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairperson Prospero de Vera ng CHED, sinabi niya na dahil may nabalitaan siyang may mga estudyante na nahihirapan sa online classes na ipinapatupad ng ilang pamantasan ay inilabas niya ang ikalima niyang advisory kahapon na may kaugnayan sa COVID-19.
Aniya, nahihirapan ang mga estudyanteng ito dahil sa mahinang koneksyon sa internet at dahil sa home quarantine ay hindi sila makapunta sa mga establisyemento na may malakas na koneksyon sa internet.
Dahil dito ay hinihiling niya sa mga pamantasan na magbigay ng leniency sa mga estudyante.
Imomonitor aniya ng CHED ang mga pamantasan na hindi sumusunod sa mga patakaraan ng pamahalaan at ang mga hindi susunod ay bibigyan nila ng aksyon.
Ayon kay de Vera, maari namang pahabain ng mga pamantasan ang kanilang semester at ilipat ang kanilang graduation na hindi kailangang aprubahan ng CHED dahil may inilabas na siyang advisory tungkol dito.
Kailangan lamang nilang isulat ang ginawa nilang pagbabago at ipadala sa kanilang central office para matulungan ng kanilang tanggapan.










