CAUAYAN CITY – Abala na ang chemist ng Isabela State University (ISU) system sa pag-formulate ng alcohol na magiging tugon sa nararanasang kakulangan ngayon ng Personal Protective Equipment (PPE) ng mga frontliners sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, Presidente ng ISU system, sinabi niya na dahil sa mga natatanggap nilang ulat kaugnay sa nararanasang kakulangan ng PPE ng mga frontliners ay pinulong nila ang mga chemist ng ISU system upang mag-formulate ng 70% alcohol.
Katuwang nila ang LGU Cauayan sa pangunguna ni Mayor Bernard Dy na magbibigay ng mga kagamitan na gagamitin habang ang laboratoryo naman ng Department of Science and Technology (DOST) ang gagamitin upang masuri ang formulation ng alcohol.
Sa ngayon ay nasa fermentation stage na ang nasabing formula at inaasahan na ang pagkakaroon ng paunang supply ng alcohol sa mga susunod na linggo.
Dagdag pa ni Dr. Aquino na puntirya nilang mabigyan ng supply ng alcohol ang mga frontliners sa lalawigan ng Isabela.
Samantala, maliban sa alcohol ay nagtutulungan na rin ang ISU San mateo at Ilagan upang makagawa ng mga karagdagang face mask katuwang ang CHED na naglaan ng pondo na gagamitin ng ISU System.
Sa ngayon ay mayroon ng 1,500 facemask ang ang ISU System at sinimulan na nilang ipamahagi sa mga frontliners sa Isabela.











