Isang matagumpay na operasyon ang isinagawa ng Joint Tracker Team ng Delfin Albano Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng Number 9 Most Wanted Person Regional Level sa Brgy. Aga, Delfin Albano, Isabela.
Ayon sa ulat ng pulisya, naaresto ang suspek na si alias “Garp”, 51-anyos, kasal, at kasalukuyang Chief Tanod noong Nobyembre 2, 2025, sa Purok 5, Barangay Aga, sa bisa ng Mandamiento de Aresto na inilabas ng RTC Branch 22, Cabagan, Isabela, para sa kasong Statutory Rape (Criminal Case No. 22-5055) na walang piyansang inirekomenda.
Pinangunahan ng Delfin Albano Police Station, sa ilalim ng kanilang Chief of Police, ang operasyon katuwang ang CIDG-Isabela PFU, Provincial Intelligence Unit (PIU-IPPO), Regional Intelligence Division (RID-PRO2), at Regional Intelligence Unit 2–PIT Isabela East.
Matapos maaresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago dinala sa kustodiya ng Delfin Albano Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Si alias “Garp”, na kabilang din sa talaan ng mga personalidad sa Enhanced E-Warrant System, ay agad na naaresto sa pamamagitan ng mabilis na aksyon ng pinagsanib na pwersa ng kapulisan.











