--Ads--

CAUAYAN CITY – Naaresto at sasampahan ng kasong homicide at attempted homicide ang isang chief tanod na tumaga sa mister ng ginang na umano’y kalaguyo

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), ang nasawi ay itinago sa pangalang Makmak, 34 anyos laborer at residente ng San Leonardo, Bambang, Nueva Vizcaya.

Nasugatan ang kanyang kaibigan na itinago sa pangalang Chito, 37 anyos at residente rin ng nasabing lugar.

Ang suspek ay ang chief tanod ng kanilang barangay na nasugatan din at isinailalim sa hospital Arrest.

--Ads--

Lumabas sa imbestigasyon ng Bambang Police Station na bago ang insidente ay nag-inuman ang magkaibigang Makmak at Chito at napagkasunduang sunduin ang asawa ni Makmak matapos ang kanilang inuman.

Sa kanilang pagtungo sa vegetable garden sa Purok 4, San Leonardo ay nakita ang suspek at ang misis ni Makmak na nasa loob ng kubo na magkatabi.

Kinompronta ni Makmak ang suspek at nagkaroon sila ng pagtatalo na humantong sa kanilang suntukan.

Nakakuha ng itak ang suspek at hinabol ang biktima na tinaga sa dibdib at bumulagta sa damuhan.

Hinabol din ng suspek ang kasamang Chito na pinagtataga rin at nagtamo ng malubhang sugat sa katawan.

Tumakas ang suspek  ngunit  naaresto sa isinagawang hot pursuit operation ng mga kasapi ng Bambang Police Station.