Tila namemersonal umano si Vice President Sara Duterte sa kaniyang pagtugon sa mga katanungan ni Senator Riza Hontiveros sa naganap na budget deliberation.
Matatandaan na nagkasagutan ang dalawang opisyal nang dahil sa tanong ni Sen Hontiveros kung ilang kopya at kung para saan ang Childrens book na inilathala mismo ni VP Sara na pinondohan ng 10 million pesos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingsco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na dapat sinasagot ng maayos ng Bise Presidente ang mga katunangan patungkol sa inihahain niyang pondo lalo na at pera ng taumbayan ang gagamitin para rito.
Wala naman aniya siyang nakikitang pamumulitika sa mga tanong na binitawan ni Hontiveros na taliwas sa binibintang ni VP Sara na pinopoliticize umano ng mambabatas ang budget ng Office of the Vice President.
Giit nito na gampanin ng mga mambabatas na busisiin ng maigi ang paglalaanan ng pondo na ipinasa ng Malacañang.
Tungkulin umano ni Hontiveros na magtanong para sa taumbayan dahil karapatan ng publiko na malaman kung saan ginagastos ang pera ng bayan.
Samantala, dagdag gastos lang umano ang mga programa na inilatag ng OVP na kahalintulad sa mga umiiral ng programa ng ibang ahensya na isa naman sa mga kinuwestiyon ni Hontiveros sa nasabing deliberasyon.
Aniya, dagdag gastos lang ito para sa mga taxpayers dahil madodoble ang popondohan ng taumbayan na mga programa tila pare-pareho lang ang layunin.