Nagpatupad ng hatol na kamatayan ang China sa 11 katao na napatunayang nagkasala sa pagpatay sa 14 na mamamayang Tsino at sa pagpapatakbo ng malawakang scam at ilegal na operasyon ng sugal na nagkakahalaga ng mahigit $1 bilyon.
Inanunsyo ng Wenzhou City Intermediate People’s Court ang pagbitay sa isang pahayag nitong Huwebes ng umaga.
Noong Setyembre, hinatulan ng kamatayan ang 11 indibidwal, kabilang sina Ming Guoping at Ming Zhenzhen, mga miyembro ng pamilyang Ming na itinuturing ng korte bilang mga lider ng scam at operasyon ng sugal. Kasama rin sa mga pangunahing sangkot sina Zhou Weichang, Wu Hongming, at Luao Jianzhang.
Naghain ng apela ang grupo ngunit ito ay ibinasura ng korte noong Nobyembre. Gayunman, hindi agad isinapubliko ang mga dokumento ng desisyon.
Noong Nobyembre 2023, inaresto ang mga miyembro ng grupo matapos maglunsad ng mas mahigpit na operasyon ang mga awtoridad ng China at magbigay ng pressure sa mga awtoridad sa mga border na katabi ng Myanmar upang sugpuin ang mga scam.
Sa kasalukuyan, ang tinaguriang mga “scam park” ay naging isang industriyal na negosyo sa Timog-silangang Asya, partikular sa Myanmar, Cambodia, at Laos. Dito, parehong mga biktima ng human trafficking ang ginagamit upang magsagawa ng mga digital scam laban sa mga biktima sa iba’t ibang panig ng mundo.
Humaharap ngayon ang mga awtoridad sa rehiyon sa tumitinding international pressure mula sa China, Estados Unidos, at iba pang bansa upang tugunan ang paglaganap ng mga kriminal na gawain.











