Mas pinalapit ng China Coast Guard ang kanilang mga patrol sa baybayin ng Luzon at pinaigting ang operasyon sa paligid ng Panatag o Scarborough Shoal noong nakaraang taon, na nagresulta sa mas matinding pagpapaalis sa mga mangingisdang Pilipino mula sa kanilang tradisyunal na pangisdaan, ayon sa Philippine Coast Guard.
Ibinunyag ito ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, batay sa taunang maritime security report ng ahensya. Nakasaad sa ulat ang pagdami ng mga puwersa ng China sa lugar, kabilang ang China Coast Guard, People’s Liberation Army Navy, at Chinese maritime militia.
Ayon kay Tarriela, nagbago rin ang galaw ng mga barko ng China Coast Guard matapos silang maitalang nagsasagawa ng umano’y ilegal na patrol mula sa karagatan ng Ilocos sa hilagang Luzon hanggang Mindoro. Ang pinakamalapit na naitala ay noong Abril 8, 2025, nang umabot sa 42.6 kilometro mula sa baybayin ng Dasol, Pangasinan ang isang barko ng China Coast Guard.
Noong 2024, ang mga operasyon ng China Coast Guard ay karaniwang nakapokus lamang sa loob ng 18.5 hanggang 27.8 kilometro mula sa Panatag Shoal. Dahil sa mas agresibong galaw ng mga ito, mas napilitan umanong umatras patungong Luzon ang mga mangingisdang Pilipino at iwan ang kanilang dating pinangingisdaan.
Ang Panatag Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc, ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, humigit-kumulang 229 kilometro sa kanluran ng Zambales. Patuloy namang binabalewala ng Beijing ang desisyon ng international arbitral tribunal noong 2016 na nagbasura sa mga pag-aangkin nito at kumilala sa sovereign rights ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Ipinakita rin sa ulat na umabot sa 39 ang bilang ng Chinese maritime militia at fishing vessels noong Abril 2025, habang pumalo sa 17 ang presensya ng China Coast Guard vessels noong Mayo at Agosto.
Bilang tugon, pinalakas ng Philippine Coast Guard ang kanilang mga patrol sa Panatag Shoal. Noong 2025, gumugol ang mga barko ng PCG ng halos 27 araw kada buwan sa dagat, mas mataas kumpara sa 17 hanggang 18 araw kada buwan noong 2024.
Ayon sa PCG, layunin nito na pigilan ang tuluyang pag-normalisa ng umano’y ilegal na aktibidad ng China Coast Guard at tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino.











