--Ads--

Namataan nang ilang beses ngayong linggo ang mga barkong pandigma ng China malapit sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas at Estados Unidos habang isinasagawa ang ika-15 Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) kasama ang Japan sa West Philippine Sea.

Ayon sa ulat, tuloy-tuloy na namonitor ang presensya ng mga sasakyang pandagat ng People’s Liberation Army (PLA) Navy ng China sa loob ng apat na araw na pagsasanay mula Pebrero 23 hanggang Pebrero 26.

Nakibahagi rin ang mga eroplano ng magkakaalyadong bansa sa isang friendly flight malapit sa Bashi Channel—ang waterway na naghihiwalay sa Pilipinas at Taiwan.

Noong Pebrero 23, namonitor ng Philippine Navy ang presensya ng Jiangkai II-class missile frigate na Liuzhou 573 ng China. Namataan din ang guided-missile destroyer na Hefei 174 ng PLA Navy ilang nautical miles mula sa mga barko ng Pilipinas at Estados Unidos habang binabagtas ang karagatan sa hilagang Batanes, at maging malapit sa Bajo de Masinloc mula ikalawang araw hanggang sa huling araw ng MMCA.

--Ads--

Ayon kay Navy spokesperson for West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad Monforte, hindi normal ang presensya ng anumang barko ng PLA Navy sa lugar ng Batanes.

“Madalas dito lang sila sa Bajo de Masinloc area… Kapag ganiyan na nag-e-exercise at sumunod sila, para sa akin, hindi na ’yan normal,” aniya.

Nilinaw rin ni Monforte na ang pagsasanay na umabot malapit sa Bashi Channel ay hindi dapat ituring na provocation laban sa ibang bansa.