Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr. ang utos na pigilan ang puwersa ng Chinese Coast Guard na makalapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, bahagi pa rin ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa ilang video ng Sandatahang Lakas, makikitang pinigilan ng dalawang rubber boat ng Pilipinas ang tangkang paglapit ng isang sasakyang pandagat ng China. Ayon kay Brawner, ang posibleng pagsampa ng CCG sa BRP Sierra Madre ay katumbas ng paglabag sa soberanya ng bansa.
Binigyang-diin ni Brawner na handa ang AFP na ipatupad ang Rules of Engagement at gumamit ng karampatang puwersa kung kinakailangan. Aniya, kapansin-pansing armado na rin ang mga barko at rubber boat ng China.
Samantala, binatikos ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang patuloy na propaganda ng China sa social media hinggil sa tensiyon sa West Philippine Sea. Giit niya, wala namang naniniwala sa mga pahayag ng Beijing.
Sa kabila ng dumaraming barko ng China sa naturang karagatan, nilinaw ng AFP na wala pang agarang pangangailangan na magdagdag ng tropa, ngunit ito ay patuloy na pinag-aaralan. Tiniyak ng militar na nakahanda sila sa anumang posibleng mangyari at patuloy na ipagtatanggol ang teritoryo ng bansa.











