--Ads--

Nababahala ang City Health Office (CHO) 1 sa kalagayan ng mga residenteng madalas na mabaha sa lungsod ng Cauayan.

Ayon sa opisina may mga nakakaraing sa kanila na may ilang lumulusong sa baha upang maglinis sa kanilang tahanan kasabay ng paghupa ng baha dito.

Ikinabahala ito ng opisina lalo at may mga bata pa na naglalaro sa tubig baha.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ruby Joy Ballesteros, Health Education Officer ng CHO 1 sinabi niyang mapanganib ang lumusong sa baha lalo na ang sitwasyon ngayon at nagkalat pa ang mga basura. Dagdag pa rito, ay ang sakit na maaaring makuha dahil sa paglusong sa baha.

--Ads--

Aniya, posible ang leptospirosis na makuhang sakit lalo na ang lumusong ay may sugat. Giit pa niya, kung hindi talaga maiiwasan na lumusong sa baha ay magsuot ng mga bota. Sa ganitong paraan aniya ay mapro-protektahan ang sarili na makasagap ng sakit mula rito.

Nananawagan ito sa mga magulang na kung maaari ay wag hayaan ang mga anak na maglaro o maligo sa tubig baha. Aniya, mapanganib ito lalo na at minsan ay nakakainom ang mga bata ng tubig habang naliligo.

Payo ni Ballesteros, pagkatapos lumusong sa baha ay agad na maglinis ng katawan at maligo.