--Ads--

Nagbabala ang City Health Office (CHO) ng Cauayan sa mga karaniwang sakit na maaaring maranasan ngayong panahon ng tag-init, kasabay ng patuloy na nararanasang mataas na temperatura sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Ruby Ballesteros, Health Education Promotion Officer ng CHO 1 Cauayan City, sinabi nito na kabilang sa mga karaniwang summer-related illnesses ang heat stroke, dehydration, ilang uri ng skin diseases at food poisoning.

Ayon kay Ballesteros, mahalagang makaiwas ang publiko sa mga naturang sakit sa pamamagitan ng pag-inom ng sapat na tubig, pagsusuot ng sunscreen, at pag-iwas sa paglabas sa kasagsagan ng init mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Dagdag pa nito, kung hindi maiiwasang lumabas, mainam na magdala ng tubig at maghanap ng malilim na lugar upang makapagpahinga, lalo na para sa mga manggagawa sa labas gaya ng mga tricycle driver.

--Ads--

Pagdating naman sa food poisoning, pinayuhan ng opisyal ang publiko na tiyaking malinis at bagong luto ang kinakain upang maiwasan ang kontaminasyon.

Sa kasalukuyan, ayon sa City Health Office, nananatiling mababa at hindi pa alarming ang mga naitatalang kaso ng mga sakit kaugnay ng init ng panahon. Gayunman, may ilang naitatala pa ring respiratory illnesses gaya ng ubo at sipon, na posibleng dulot ng biglaang pagbabago ng temperatura mula sa mainit na kapaligiran patungo sa malamig na lugar.

Mayroon ding mga naitatalang skin conditions partikular sa mga sensitibo sa init ng araw, kaya pinapayuhan ang publiko na gumamit ng proteksyon tulad ng payong o iba pang panaklob kung walang sunscreen.

Binigyang-diin ni Ballesteros na bagamat normal lamang ang mga ganitong kaso tuwing tag-init, nararapat pa ring maging maingat ang bawat isa upang maiwasan ang mas malalang epekto sa kalusugan.