CAUAYAN CITY – Inamin ng Commission on Human Rights (CHR) region 2 na marami silang natatanggap na reklamo laban sa mga opisyal ng barangay at Philippine National Police (PNP) dahil sa hindi maayos na pagtupad sa kanilang tungkulin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Perlita Agana, chief Investigation Section ng CHR region 2, sinabi niya na dahil sa tiwala sa kanila na matutugunan ng kanilang hinaing at reklamo ay marami ang nagpupunta sa kanila para maghain ng kaso.
Pangunahin nilang inirereklamo ang mga opisyal ng barangay at PNP na hindi inaasikaso ang kanilang idinudulog na kaso.
Kinumpirma ni Agana na may mga PNP station na sinampahan na nila ng kasong administratibo dahil sa hindi maayos na serbisyo sa publiko.
Patuloy aniya ang information dissemination ng CHR region 2 para ipabatid ang karapatan ng mga kababaihan, bata at kabataan.