--Ads--

Dinagsa ng mga deboto mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ang taunang Diocesan Christ the King Celebration na ginanap ngayong Linggo sa Our Lady of the Pillar Parish Church sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Annalene Lorenzo, Parish Pastoral Council President, ipinaliwanag niyang ang pagdiriwang ay taunang okasyon ng Simbahang Katolika tuwing huling Linggo ng Nobyembre upang gunitain ang pagiging Hari ni Kristo.

Aniya, sabay-sabay itong ipinagdiriwang sa iba’t ibang parokya sa bansa at maging sa mga Filipino communities abroad. Binigyang-diin din niya na taun-taon ay may nakatalagang host para sa diyosesis, at binanggit niyang ang Cabagan ang nagdaos ng selebrasyon noong nakaraang taon.

Ayon kay Lorenzo, layunin ng okasyon na mapalalim ang pagkilala sa paghahari ni Kristo hindi lamang sa parokya kundi maging sa personal na buhay ng bawat mananampalataya.

--Ads--

Sa homiliya ng obispo, binigyang-diin ang pangangailangang kumapit sa Diyos sa gitna ng samu’t saring pangyayari sa bansa. Ipinabatid din na bagamat marami ang nakararanas ng pagod at pangamba dahil sa mga isyu sa lipunan, pinaalalahanan ang mga deboto na manatiling matatag sa pananampalataya.

Dagdag pa ni Lorenzo, ang napakaraming dumalo ay patunay na para sa mga mananampalataya, si Kristo ang tanging kinikilalang Hari. Karamihan sa mga delegado ay nakasuot ng puti bilang simbolo ng kanilang tahimik ngunit matatag na paninindigan laban sa katiwalian.

Ipinaliwanag niya na ang pagtitipon ay hindi isang rali o demonstrasyon, kundi isang mapayapang pagpapahayag ng pananampalataya at pagtutol sa mga hindi kanais-nais na pangyayari sa lipunan. Ito ay kasabay ng paniniwalang ang pananampalataya sa Diyos ay patuloy na magiging sandigan ng sambayanan, lalo na matapos ang sunod-sunod na kalamidad at trahedya.