Nakapagtala ng kakaibang Guinness World Record ang isang circus performer matapos buhatin ang tatlong tao gamit lamang ang kanyang mga ngipin habang siya ay nakabitin nang pabaliktad.
Si Michael Radiff mula sa U.S. ay nagpakitang-gilas sa harap ng live audience sa Songshan District, Taipei City, Taiwan noong Mayo. Sa kanyang pagtatanghal, nagawa niyang buhatin ang kabuuang 185.80 kilo at nakamit ang titulong “heaviest weight held with the teeth while suspended upside down.”
Sa mga larawan, makikita si Radiff na nakasabit nang pabaliktad habang kagat ang mouthguard na nakakabit sa strap at metal bar. Habang unti-unti siyang itinataas, tatlo sa kanyang mga kasama ang sabay-sabay niyang binuhat. Makalipas ang ilang segundo, binitawan ni Radiff ang metal bar, kaya’t ang buong bigat ng tatlong tao ay nakaasa lamang sa lakas ng kanyang panga at mga ngipin.
Bilang isang strength performance specialist, dumaan si Radiff sa matinding pagsasanay para sa rekord na ito. Pinatatag niya ang kanyang panga at leeg at nagsagawa ng mga inverted core exercises. Ayon sa pamantayan ng Guinness World Records, dapat maiangat ang bigat nang hindi bababa sa 15 sentimetro mula sa lupa at mapanatili ito ng hindi bababa sa 10 segundo.
Sa kanyang pagtatanghal, nalampasan ni Radiff ang dating record na 130 kilo na itinakda ni Loretta Antal ng Hungary noong Enero 27, 2024.











