Isinusulong ng City Agriculture Office ang pagbuo ng Farm Workers Association bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na palakasin ang sektor ng agrikultura at tiyaking hindi napag-iiwanan ang mga farm workers sa mga programa at benepisyong iniaalok ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist, pangunahing layunin ng inisyatibong ito na mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga farm workers na makasali sa iba’t ibang proyekto ng pamahalaan na may kaugnayan sa agrikultura, kabilang na ang mga pagsasanay, teknikal na tulong, at mga programang pangkabuhayan.
Aniya, sa pamamagitan ng isang organisadong samahan, mas magiging maayos at episyente ang koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga farm workers.
Ipinaliwanag pa ni Engr. Alonzo na ang Farm Workers Association ay magsisilbing boses ng mga farm workers upang mas madaling maiparating ang kanilang mga pangangailangan at suliranin sa pamahalaan.
Makakatulong din ito upang masigurong patas ang pamamahagi ng tulong at programa, lalo na sa mga malalayong barangay na kadalasang nahihirapang maabot ng mga serbisyo ng gobyerno.
Binigyang-diin din ng City Agriculturist na wala umanong ipapasang kahit anumang requirements ang mga farm workers na nais sumali sa association.
Wala rin silang babayarang membership fee, kaya’t hinihikayat ang lahat ng farm workers na huwag mag-atubiling makilahok.
Dagdag pa rito, inaasahan na sa oras na mabuo ang Farm Workers Association, mas magiging madali ang pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno tulad ng pamamahagi ng tulong pang-agrikultura, access sa farm inputs, at iba pang programang magpapalakas sa produksyon at kabuhayan ng mga farm workers.
Patuloy naman ang panawagan ng City Agriculture Office sa mga farm workers na makiisa at suportahan ang inisyatibong ito. Hinimok din ang mga barangay officials na tumulong sa pagbibigay ng impormasyon at paghikayat sa mga manggagawang bukid sa kanilang nasasakupan upang mas mapabilis ang pagbuo ng samahan.
Umaasa ang City Agriculture Office na ang pagtatatag ng Farm Workers Association ay magiging daan upang mas mapabuti ang kalagayan ng mga farm workers at higit pang mapalakas ang sektor ng agrikultura sa lungsod.











