CAUAYAN CITY – Tiyak umanong nanlulumo ang mga comelec officers sa bansa sa pagbibitiw ni Comelec Chairman Andres Bautista.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Election Officer Efigenia Marquez ng Comelec Cauayan City, hindi niya inaasahan ang pangyayari dahil wala umanong anumang paramdam o palatandaan na magbibitiw sa tungkulin ang COMELEC Chairman.
Aniya, maaring umanong napressure ito sa mga kinakaharap na problema sa kanyang posisyon at sa personal na buhay.
Hanga si Election Officer Marquez sa COMELEC Chairman dahil hindi dinadala ni Bautista sa trabaho ang kanyang problema kaya ang alam nilang mga comelec officers ay mananatili siya sa tungkulin kahit may mga panawagan ang mga comelec commissioner na magbitiw na sa pwesto.
Maliban sa pagiging humble ng comelec chairman ay itinuturing rin siya na may pinakamagandang pamamahala sa lupon.
Tutok umano siya sa kanyang trabaho at dinadalaw ang kanyang mga tauhan sa baba.
Ang COMELEC ngayon ay abala dahil sa resumption ng voters registration para sa may 2018 election matapos maipagpaliban ang halalang pambarangay ngayong Oktubre.