
CAUAYAN CITY – Nakatakdang magpulong ang Pamahalaang Lunsod ng Cauayan at Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela upang pag-usapan ang mga dapat gawin sa naranasang pagbaha sa lunsod pangunahin na sa bahagi ng pribadong pamilihan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Leoncio Bong Dalin Jr., sinabi niya na matapos ang kanilang inspeksyon sa loob ng pamilihan ay nagkaroon sila ng pagpupulong katuwang ang City Planning, City Engineering at City Admin Office upang talakayin ang drainage system sa lunsod.
Ayon kay Vice Mayor Dalin, maliliit na ang daluyan ng tubig sa mga kanal kaya kailangan ng dredging at kailangan ng mas malaking imburnal para rito.
Ngayong araw ng Sabado ay magkakaroon ng pagpupulong ang pamahalaang lunsod kasama sina Vice Gov. Bojie Dy at Cong. Inno Dy katuwang ang DPWH upang planuhin ang drainage system sa lunsod.
Matagal na umanong hinihiling ng pamahalaang lunsod ng Cauayan sa DPWH na palitan ang mga drainage canals sa national highway dahil dito napupunta ang tubig baha tuwing umuulan.
Pinakaapektado ng baha ang mga barangay sa Poblacion pangunahin na ang District 1, District 2, District 3, Cabaruan at San Fermin.
Nanawagan naman si Vice Mayor Dalin sa mga naapektuhan sa pagbaha na hintayin lamang ang magiging resulta ng kanilang pagpupulong at tiniyak niya na maisasagawa ang pagkukumpuni sa mga drainage canal sa lugar.










