--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng ilang aktibidad ang City of Ilagan Gay Association bilang bahagi ng selebrasyon ng Pride Month ngayong buwan ng Hunyo sa Lungsod ng Ilagan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Peterson Patriarca, tagapagsalita ng City of Ilagan Gay Association, sinabi niya na sa ika-27 ng Hunyo ay isasagawa nila ang Gupitan sa Bayan na gaganapin sa City Hall.

Aniya, ito ay bukas sa lahat ng kasarian at edad kung saan maaari silang magpagupit ng libre.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na magsasagawa sila ng naturang aktibidad dahil noong nakaraang taon ay umabot sa mahigit isang libo ang nahatiran nila ng libreng serbisyo.

--Ads--

Maliban dito ay magkakaroon din ng HIV awareness symposium kung saan pwede itong daluhan ng lahat ng mga nais dumalo at nakikipag-ugnayan na din sila sa City Health Office 1 ng City of Ilagan para sa libreng HIV testing.

Aniya, ang pinaka-highlight sa kanilang pagdiriwang ng Pride Month ay ang ‘Diyosa ng Ilagan’ at tampok dito ang 19 contestants na magtatagisan ng ganda at talino.

Naiiba naman ito sa mga karaniwang beauty pageants dahil ang mga katanungan para sa Question and Answer portion ay manggagaling sa taumbayan at at hindi sa mismong board of Judges.

Makikipag-ugnayan din umano sila sa Alkalde ng Lungsod ng Ilagan para bigyan ng pansin ang mga miyembro ng LGBTQ sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng hanapbuhay na makatutulong sa pagpapataas ng kalidad ng kanilang buhay.

Nahihirapan kasi aniya ang ilan na humanap ng trabaho dahil sa diskriminasyon na nararanasan ng ilan.

Bagama’t may diskrimisayon pa din silang natatanggap ay hindi naman na aniya ito malala dahil nakikita naman niya na unti-unti na silang natatanggap ng lipunan.