
CAUAYAN CITY – Naglabas ng Executive Order ang pamahalaang lungsod ng Ilagan kaugnay sa pagbabawal sa pagpasok ng karne ng baboy sa lungsod dahil sa pagkalat ng African Swine Fever o ASF sa lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Paul Bacungan na noong Lunes ay pinulong ni Mayor Josemarie Diaz ang executive and legistive cluster sa lungsod kaugnay sa mga naitatalang kaso ng ASF sa Isabela.
Aniya, para maprotektahan ang swine industry sa lunsod ay naglabas ng Executive Order No. 24 si Mayor Diaz na nagbabawal sa pagpapasok ng baboy at karne ng baboy sa lungsod.
Nire-activate din ang task force ASF kaya mayroon nang checkpoint ngayon sa lahat ng mga barangay na pwedeng daanan kapag pupunta sa lunsod.
Titingnan sa mga checkpoint ang dokumento ng mga baboy o meat products na ipapasok sa lunsod at kung galing ito sa mga tukoy na lugar na may kaso ng ASF ay kukumpiskahin at ididispose agad.
Ayon kay Information Officer Bacungan, maging sa New Ilagan Public Market ay may checkpoint para matiyak na ang mga baboy o meat products ay maisailalim sa inspection.
Maging aniya ang mga panindang karne ng baboy sa mga business establishments ay iinspeksyunin din.
Patuloy namang imomonitor ng City Agriculture Office at ng City Veterinary Office ang mga backyard hog raisers at wala pa naman silang namomonitor na kaso ng ASF sa lunsod.
Nagmomonitor din ngayon ang mga opisyal ng barangay.
Panawagan nila sa mga mamamayan sa lunsod ng Ilagan na imonitor ang mga alaga nilang baboy at kung sa tingin nila ay mayroon itong sintomas ng ASF ay idispose na agad at makipag-ugnayan sa mga kinaukulan.










