
CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng pamahalaang lunsod ng Ilagan ang patuloy na pagbaba ng mga naitatalang kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) kaya idineklara nang nasa Low Risk Category ang lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IATF Focal Person Ricky Laggui, sinabi niya na natutuwa sila dahil nagawa nilang mapababa at ma-contain ang mga kaso ng COVID-19 sa Lunsod ng Ilagan.
Aniya, nang magkaroon ng surge o pagdami ng kaso ay nagpatawag ng pulong si Mayor Josemarie Diaz at inilatag ang mga panuntunan pangunahin ang pagsasagawa ng lockdown na naging mabisa para mapababa ang mga nagpopositibo sa sakit.
Matatandaang umabot sa critical risk ang Lunsod Ilagan noong nakaraang taon.
Pangunahin sa mga naging hakbang ng pamahalaang lunsod ay ang pagbabawal sa pagsailalim sa home quarantine ng mga nagpopositibo sa COVID-19 maging ang mga maitatalang close contact ng mga pasyente upang mapigilan ang transmission.
Dinagdagan ng pamahalaang lunsod ang mga quarantine para sa mga COVID-19 patient.
Ayon kay Ginoong Laggui, hinigpitan din nila ang pagpapatupad sa mga health protocol at araw-araw na may mga nahuhuling pasaway na residente na pinapatawan ng community service bilang parusa sa kanilang paglabag.
Nilinaw naman ni Ginoong Ricky Laggui na bagamat patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 ay dapat pa ring mabalanse ang kalusugan at kabuhayan ng mga residente dahil hindi kakayanin ng pamahalaang lunsod ang tuluy-tuloy na pamamahagi ng ayuda.
Samantala, patuloy ang pagbabakuna at tinatapos nang mabakunahan ang mga nasa A1 at A2 priority list.
Ang mga sobrang bakuna mula sa A1 at A2 ay ibinibigay na sa mga senior sitizen at mga may comorbidity na kabilang sa A3 priority list.
Lumagda na si Mayor Jay Diaz ng tripartite agreement para sa tuluy-tuloy na vaccination program ng pamahalaang Lunsod ng Ilagan.










