CAUAYAN CITY- Naging matagumpay ang isinagawang inspeksyon ng City Veterinary Office sa mga meat shop sa lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao, City Veterenary Officer ng Lungsod ng Cauayan, sinabi niya na sa kanilang pag iikot-ikot sa lungsod ay natiyak naman ng kanilang ahensya na lahat ng ibinebenta at kinakatay na baboy ay ligtas kainin at ito ay malinis batay sa sanidad.
Tanging nakikita lamang nila na problema ay ang kawalan ng business permit ng mga talipapa at batay sa kanilang monitoring ay aabot ito sa limang pwesto.
Pinayuhan naman nila ang mga may-ari na mag-secure ng permit para maging legal ang kanilang pagbebenta.
Titiyakin din ng kanilang tanggapan na magiging regular ang gagawing inspeksyon upang masiguro na hindi lamang ang mga ibinebentang karne sa pribadong pamilihan ang ligtas bilhin.
Samantala, bahagaya namang bumaba ang suplay ng baboy sa lungsod dahil bihira na umano ang mga backyard hog raisers dahil na rin sa mataas na presyo ng feeds.