CAUAYAN CITY- Pinaalalahanan ng Civil Service Commision (CSC) ang mga Government Employee na manatiling politically neutral ngayong panahon ng pangangampanya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Valnizan Calubaquib ng CSC Isabela, sinabi niya na bilang isang appointed employees sa gobyerno, hindi dapat sila lumahok sa anumang aktibidad na may kinalaman sa pangangampanya dahil ito ay ipinagbabawal sa batas.
Ang sinumang mapapatunayan na lumabag dito ay mapapatawan ng 1 month and 1 day – 6 months suspension para sa 1st Offense, para naman sa pangalawa at huling offence ay dismissal sa government service at matatanggalan din ito ng benefits.
Naipaalam naman umano ito ng maayos sa mga empleyado ng gobyerno dahil nakipagpulong sila sa mga Human Resource Management Offices sa Isabela upang ipaalala ang pagiging non-partisan ng mga ito.
Sa ngayon ay wala pa naman silang namomonitor na mga government employees na nakikilahok sa anumang partisan political activities.
Dahil ginagamit na rin ngayon ang social media sa pangangampanya ay gagamitin din umano ito ng CSC para imonitor ang mga empleyado ng gobyerno.
Nilinaw naman ni Calubaquib na kung walang magsasampa ng reklamo laban sa mga gov’t employee na nakikibahagi sa mga political activities ay hindi makakasuhan ang mga ito ngunit tiniyak naman niya na agad silang aaksyon kung sakali mang maghain ng reklamo.