
Magkakaroon ng refund sa registration fee ang mahigit labing pitong libong nag-apply para sa Civil Service Examination noong nakaraang taon matapos itong makansela dahil sa pandemya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Nerissa Canguilan ng Civil Service Commission Region 2 sinabi niya na lahat ng mga CSC Examinees noong nakaraang taon ay magkakaroon ng refund sa kanilang registration fee dahil hindi pa rin maaaring magsagawa ng paper and pen test ang CSC bilang pag iingat sa Covid 19.
Matatandaang minabuti ng Komisyon na hindi na muna ituloy ang naturang pagsusulit kaya irerefund na lang ng mga examinees ang 500 pesos na registration fee.
Ayon kay Region Director Canguilan sa Rehiyon Dos lamang ay nasa mahigit labing pitong libo na ang aplikante para sa pagsusulit.
Nilinaw niya na sakaling magkaroon na ng exam ay hindi kayang maaccommodate ng CSC ang ganito karaming bilang ng examinees dahil sa pandemya.
Maaaring kalahati lang ng labing pitong libong aplikante ang makakapag-exam.
Aniya kailangang mai-refund ang lahat ng mga registration fee para hindi magalit ang mga hindi ma-aaccommodate na aplikante.
Hindi pa naman ngayon ang pagrerefund ng CSC dahil pinaplano pa ang mga gagawing paraan upang maiwasan ang face to face sa pagkuha ng mga aplikante ng kanilang refund.
Pinag aaralan ng komisyon na sa pamamagitan na lamang ng mga remittance o bayad centers ang pagbigay ng refund upang masunod pa rin ang minimum health standards.
Magpapadala ng mensahe ang Komisyon sa mga aplikante para sa paraan ng pagkuha ng kanilang refund.
Sa kasalukuyan ay may mga natanggap na ang Komisyon na mga nagsumite ng Refund Form
Hinikayat naman ng komisyon ang mga aplikante na mag apply na lang muli kapag nagkaroon na ng schedule ng pagsusulit.










