--Ads--

CAUAYAN CITY – Aprubado na ng Department of Agriculture o DA ang pitong milyong pisong pondo na gagamitin para sa Cloud seeding na isasagawa sa susunod na buwan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Paul Balao, Focal Person ng DA-DRRM, sinabi niya na isa ang cloud seeding sa kanilang action plan bilang paghahanda sa magiging epekto ng El Niño phenomenon na maaring maranasan sa bansa.

Aniya nakapaglaan sila ng pondong aabot sa halos walong milyong piso na dumaan sa public bidding at nasa pitong milyong piso ang napagkasunduan.

Sa buwan ng pebrero ay nakatakdang isagawa ang cloud seeding dahil sa buwang ito na ang critical stage ng mga pananim na mais.

--Ads--

Kung walang ulang mararanasan ay magsasagawa na sila ng cloud seeding sa una hanggang ikalawang linggo ng Pebrero.

Aniya ang National Irrigation Administration o NIA-MARIIS ang nagbibigay signal sa kanila upang magsagawa ng cloud seeding dahil sila ang nagmomonitor sa lebel ng tubig sa magat dam para sa irigasyon ng mga pananim na palay.

Tiniyak ni Ginoong Balao na walang babayaran ang mga magsasaka sa isasagawang cloud seeding dahil ito ay isang intervention ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa El Niño.